Friday, May 29, 2009

Nang Maligo Ako sa Ulan

“When we were kids, the whole world was a playground. As adults, we forgot that.” -- Yes Man


Malakas na ang buhos ng ulan noong ako’y nagising. Bumangon ako para isara ang pinto pagkatapos makaalis ng aking kapatid. Naramdaman ko ang malalakas na patak ng ulan sa aking mga paa. Maligo kaya ako sa ulan? Matagal ko na rin pinangarap na makaligo sa ulan ulit. Kailan pa ba ang huling beses na ginawa ko ‘to? Hindi ko na maalala. Nagdadalawang isip ako at medyo inaantok pa kaya pumasok nalang ulit ako sa kwarto. At doon nagsimula na ako makipagtalo sa aking sarili.


Inaantok pa ako, sa susunod nalang.

--- Minsan lang ‘to! Ngayon na!

Baka magkasakit ako. Pagod ako kahapon, tapos mamaya madami ding gagawin.

--- Magkasakit?! Diba sabi nga ng mga libro mo mas mahina ang immune system ng mga bata? E nung bata ka nga kapag pinayagan ka tatakbo ka na agad sa labas para salubungin ang ulan! Tapos sasabihin mo ngayon ka pa magkakasakit?

Eh.... Baka humina na rin agad ang ulan, sayang effort.

--- Hindi pa ‘yan hihina. Matagal pa yan.

Hindi naman pwedeng nakapantulog ako diba?

--- Magpalit ka na.

...

--- Now na.


Nagpalit ako ng damit, lumabas ng kwarto at nagtungo sa aming hardin.


Masarap pala talaga maligo sa ulan.


Kakaiba ang pakiramdam ng mga patak ng tubig sa balat. Masaya. Para kang lumangoy pero hindi. Pagkatapos ng ilang sandali may iba akong naramdaman. Giniginaw ako. Bakit dati noong bata ako hindi naman ako giniginaw? Ah, oo nga pala, naglalaro ako noon at tumatakbo. Hindi naman ata ako puwede maglaro ngayon kasi wala naman akong kalaro. Magsasayaw nalang ako. Kaya sa gitna ng ulan, ako ay nagensayo ng “Worthy is the Lamb”.


Masaya maligo sa ulan. Masaya maging bata. Lalo na ‘pag matanda ka na.

No comments:

Post a Comment